start your own blog now!
 
Read other blogs...

"In the dark times, will there also be singing? Yes, there will be singing about the dark times." - Brecht

About me

Blogger:
Unbeknownst to strangers who heard him sing in videoke, Crooner KR Guda did not have formal training in music, apart from a brief stint as a bass voice singing "Times of Your Life" during high school. Nowadays, he busies himself writing about politics and culture and studying photojournalism. As a journalist covering human rights issues, he is what can aptly be described by that John Berger quote: "Truly we writers are the secretaries of death." (Thanks to newly-sanctioned poet Teo Marasigan for that one)

Contact me
My profile
Linkme
Subscribe to this blog

P E R Y O D I S M O

Reportage, etc.

Dark Room

i n s t i s

Aklat ng Bayan

Arkibong Bayan

Sinewaya

Pinoy Weekly

Counter

visited *loading* times

Tuesday, 20 November 2007
'Milagro' sa Kalsada Anahaw

anahaw houseKUNG walang dilaw na tape na nakapulupot sa gate, di mapagkakamalang karima-rimarim ang naganap kamakailan sa loob ng bahay na ito. Bukas pa nga ang ilaw sa kusina’t kuwarto. Bahagyang bukas ang pinto. Mula sa labas, kitang kakaunti lamang ang gamit ng mga nanirahan. Sa tapat ng bintana ng pangalawang palapag, nakasampay pa ang nilabhang mga damit.

Ito ang bahay sa Block 4 Lot 23 Anahaw Street sa Violago Homes sa Payatas, Quezon City. Kaiba sa mga inihayag sa midya, hindi barung-barong ang bahay. Normal na kabahayang middle class ang Violago Homes. Tahimik ang mga kalsada. Halos walang kakaibang pangyayari. Hanggang noong Huwebes, Nobyembre 15.

“Sinasabi ko sa kanila (mga nakatira sa bahay), ‘Ang tahimik dito, ano?” kuwento ni Letizia Kagalawan, may-ari ng tindahang sari-sari sa tapat ng nasabing bahay. Madalas niyang kinakausap ang dalawang lalaking nakatira sa Block 4 Lot 23 tuwing nagpapa-load ang mga ito. Iba-ibang numero umano ang pinapakargahan ng e-load, pero di niya gawaing magtaka o maghinala.

“Mabait naman sila. Mukhang disente. Hindi mo mapagkakamalang gagawa ng masama,” sabi ni Letizia.

Wala sa bahay si Letizia noong Huwebes, alas-4:30 ng hapon, nang mabasag ang katahimikan sa Violago sa pagsalakay sa Block 4 Lot 23 ng nagkaisang puwersa ng PNP (Philippine National Police) Special Action Force, PNP-CIDG (Criminal Investigation and Detection Group) sa NCR at Quezon City Police District Explosive and Ordinance Division. Nagputukan sa loob ng bahay. Pagkaraan ng limang minuto, patay ang tatlong residente ng bahay, at sakote ang tatlong iba pa.

Sa telebisyon na lamang ni Letizia nalaman na iyong dalawang suki niya ang napatay sa reyd ng pulis. Ang pangalan nila: sina Pakir Said at Redwan Indama. Ayon sa PNP, sila ay mga miyembro ng bandidong Abu Sayyaf. Namatay rin ang asawa ni Redwan na si Saing Indama. Ang kaso nila: pambobomba sa Batasan Pambansa noong Martes, Nobyembre 13, na ikinamatay ng apat katao, kasama si Basilan Rep. Wahab Akbar.

Kapitbahay na ‘terorista’?

Ayon kay Nilda (di tunay na pangalan), may-ari ng bahay na karatig ng Block 4 Lot 23, noong Nobyembre 5 lamang lumipat ang apat na kataong nakatira sa katabing bahay nila. Tahimik ang kanilang bagong kapitbahay: hindi umiinom at di nila nakitang manigarilyo.

Pagkalipat na pagkalipat pa lamang – o isang linggo bago ang pagbomba sa Batasan – nakakapansin na ang mga residente ng kakaibang mga eksena sa kalsada Anahaw. “Biglang maraming lalaking parang nagmamanman sa bungad (ng Violago). May nagbebenta lagi ng balut,” ani Nilda.

Napansin din ni Nilda na may isang babaing parang baliw na palaging namumulot ng bulaklak sa tapat ng bagong kapitbahay. “Hindi naman siya mukhang baliw. Disente naman ang hitsura,” aniya. Ayon kay Letizia, nanghingi pa ng plastik sa kanya para paglagyan daw ng bulaklak.

Noong araw ng reyd, may kakaibang istambay si Letizia. Matagal na nakatayo sa kanyang tindahan at nagpakilalang tauhan ng Maynilad. Nagduda na siya. Matapos ang reyd, nakita uli ng mga residente ang mga istambay, ang magbabalot at ang babaing baliw – nakadamit-pulis.

Natunghayan ni Nilda ang biglaang pagdating ng armadong mga pulis. “Nakakatakot, parang isang batalyon ng pulis ang nagmartsa sa kalsada,” sabi ni Nilda. Sa ingay pa lamang ng bota sa semento, itinakbo na ni Nilda ang mga anak sa kuwarto at doon nagtago. Di nagtagal, nakarinig na rin siya ng mga putok.

Ayon sa nakasaksing mga residente, hinintay ng raiding team ang sasakyan na pumasok sa garahe ng bahay, bago pinasok ito. “Nakapasok ang pulis nang buksan ang gate,” sabi ni Nilda. Sigurado umano siyang hindi inakyat ng mga pulis ang gate. Pumasok umano sila nang kusa.

Lahat ng residenteng nakausap ng PINOY WEEKLY ay nagsabing sa loob na ng bahay nagkaputukan. Walang marka ng anumang tama ng bala ang labas ng bahay at katapat na kalsada. “Parang nasa loob kami ng drum, tapos pinupukpok mula sa labas” ang pagkakalarawan ni Nilda sa tunog ng putukan.

Alas-otso na nang gabi nang ihilera ng pulis ang mga bangkay nina Pakir, Redwan at Saing. Kinabukasan, sa press conference ng PNP sa Kampo Crame, inisa-isa ni PNP Chief Gen. Avelino Razon ang nakuhang mga kagamitan sa bahay: kabilang ang isang jacket ng House of Representatives, plaka ng sasakyan na may numerong “8”, ID na pang-Batasan ni Ikram Indama (dating drayber ni dating Basilan Rep. Gerry Salapuddin, karibal sa pulitika ni Akbar), at mga dokumento para sa motorsiklong Honda XRM (na ayon sa pulis ay tumugma sa ginamit na motorsiklo sa Batasan).

Para sa PNP, “nalutas” na ang kaso dahil napatay at nahuli na umano ang mga salarin. Sigurado silang si Akbar ang target ng pagsabog. Ang tanging hahanapin na lamang ay kung sino ang utak sa pagbomba. At ang itinuturo ng iprinisintang ebidensiya ng PNP ay ang kalaban sa pulitika na si Salapuddin.

batasan blast1Rubout?

Dahil sa sirkunstansiya ng reyd sa Payatas, marami ang nagdududa na ang mga nahuli at napatay doon ay may kinalaman nga sa pagbomba sa Batasan. Duda rin ang marami sa tila “milagrong” pagkakatagpo ng mga pulis ng lahat ng ebidensiya sa iisang lugar, taliwas sa “natural” umanong gawain ng kriminal na itago ang mga ebidensiyang magtuturo sa kanilang pagkakasangkot.

Noong gabi ng Nob. 15, matapos ang reyd, sinabi ni Razon sa midya na nakatanggap sila ng tip matapos ideklara ng Malakanyang ang P5 Milyong pabuya sa sinumang nakakapagbigay ng impormasyon sa utak ng pagbomba sa Batasan.

Pero taliwas ito sa sinasabi ng mga residente na isang linggo pa bago ang pagbomba ay minamanmanan na ang bahay sa Violago Homes. Taliwas din ito sa sumunod na pahayag ng PNP noong Nob. 16 na nireyd nila ang bahay sa bisa ng mandamyento de aresto kay Pakir Said sa kasong pagkidnap at ilegal na detensiyon.

Kaduda-duda rin ang kawalan ng pagtutol nina Pakir Said sa pagpasok ng mga pulis sa kanilang gate. “Kung talagang ayaw nila magpaaresto, sana sa gate pa lamang, binaril na nila ang mga pulis,” sabi naman ng isang residente na tumangging magpakilala.

Samantala, maging ang mga residente ng Basilan ay nagdududang totoong mga miyembro ng Abu Sayyaf ang mga nahuli at napatay sa reyd.

Isa si Dr. Manar Saliddin, residente ng Basilan at tagapangulo ng Jaga, isang grupong pangkarapatang pantao sa lugar, sa mga nagdududa. Noong 2001, napagkamalang Abu Sayyaf ang ama niyang si Munap at kapatid niyang si Moner. Mahigit limang taong nakulong si Munap sa Kampo Bagong Diwa sa Bicutan bago napatunayang walang koneksiyon sa bandidong grupo. Nakakulong pa rin hanggang ngayon ang dating estudyanteng si Moner.

“Ang alam ko, may nakakulong na sa Bicutan na ang sinasabing alyas ay ‘Abu Jandal’,” sabi ni Manar. Noon pang 2001 ikinulong ang sinasabi ng militar na Abu Jandal. Nagtataka si Manar kung sinong “Abu Jandal” ang napatay sa Payatas. Maraming nakakulong ngayon sa Bicutan ang pinagbibintangan ng kung anu-anong “alyas”.

Ang usap-usap umano sa Basilan, nasa bundok pa rin ang “tunay” na Abu Jandal na miyembro ng Abu Sayyaf.

Ibang anggulo

Maging ang mga biktima ng pagsabog sa Batasan ay duda sa resulta ng imbestigasyon ng PNP.

“Bakit isinasara agad ang imbestigasyon?” tanong ni Gabriela Rep. Luz Ilagan, sa panayam ng PINOY WEEKLY sa St. Luke’s Medical Center habang nagpapagaling mula sa mga sugat na tinamo sa pagsabog. Sinabi pa ni Ilagan na hanggang sa ginawa ang panayam ay hindi pa rin sila kinakausap ng PNP para kunin ang testimonya nila sa naganap.

Isa pang indikasyon na may mali sa imbestigasyon ng PNP: mali ang inilabas nito sa midya na sketch ng South Wing nang maganap ang pagsabog. Mali ang posisyon ni Ilagan, ang kanyang istap na si Lorraine Gallegos at ang drayber ni Rep. Liza Maza na si Ismael Lim. At, pinakamasahol, sa sketch nito, inilagay ng PNP ang nasawing drayber ni Ilagan na si Marcial Taldo sa labas ng sasakyan, gayong sinasabi ng lahat ng saksi na nasa loob na ng sasakyan si Taldo nang maganap ang pagsabog.

“Hinihiling namin na tingnan man lang ang posibilidad na hindi lang si Akbar ang target,” ani Ilagan. Nais niyang tingnan ng PNP ang lahat ng posilibidad. Isang araw bago ang pagbomba, pinangunahan ni Ilagan ang pagsumite ng ikatlo at “pinakamatapang” na reklamong impeachment laban kay Pangulong Arroyo.

“May mensahe iyon, kung bakit doon mismo sa House ginawa,” sabi pa ni Ilagan. Kung si Akbar lamang ang target, puwede naman umanong bombahin si Akbar sa bahay niya, o sa lugar niya sa Basilan. Pero sa Batasan pa ito napatay. Ang palagay niya, maaaring nakadirekta ang atake sa mismong Kamara kung saan may nakasalang na reklamong impeachment laban sa Pangulo. O nakadirekta mismo sa kanya, sa Gabriela, at sa militanteng mga party-list.

Sang-ayon si Ilagan sa panukala nina Espiker Jose de Venecia at Parañaque Rep. Roilo Golez na magsagawa ang Kamara ng independiyenteng imbestigasyon hinggil sa insidente. Sa paraang ito lamang umano mabibigyang katarungan ang mga biktima sa pagbomba sa Batasan.

Gayundin – kung sakaling rubout nga – ang mga napatay na residente sa kalsada Anahaw.

Unang lumabas sa Pinoy Weekly (Nob. 21-27, 2007)
Larawan sa itaas ni KR Guda / Sarah Laza

Posted by: kr.guda at 12:36 | link | comments

Wednesday, 14 November 2007
Pagpupunyagi nina Karen at Sherlyn

10SA KABILA ng mga dinanas niya, matapang pa rin si Sherlyn Cadapan. Bata pa lamang, nakitaan na siya ng ganitong katangian, laluna noong naging atleta si Sherlyn. At tulad marahil ng mga torneong nalahukan niya noong kolehiyo ang pakikipagtagisan sa mga militar habang nasa kamay nila – laro lamang ito ng isip at determinasyon.

Isang araw noong Abril, pinlano ni Sherlyn na makatakas. Pinlano niyang ipaalam ang kinalalagyan nila ng kasamahang si Karen Empeño.

Ang plano: paniwalain ang mga sundalong bantay na bumigay na siya. Na gusto na niyang makipagtulungan. Na aaminin na niya ang dapat na aminin, ituturo na ang dapat ituro. Kunyari, uuwi siya sa Calumpit, Bulacan, sa bahay ng kasintahan, para ituro ang nakatago umanong mga baril.

Ika-11 ng Abril, kasama ang isang pangkat ng babaing mga sundalo, pumunta si Sherlyn sa bahay ng kasintahan. Sa kanyang bulsa, isang kapirasong papel na naglalahad na sila ni Karen ay nasa Kampo Tecson, San Miguel, Bulacan.

Kilala siya ng magulang ng kasintahan, at sinalubong ng yakap. Pero bago pa man tahimik na naibigay ang kapirasong papel, nabisto na siya ng bantay. Agad siyang ibinalik sa sasakyan. Gulpi ang inabot ni Sherlyn.

Kuwento ni Raymond

Bahagi ito ng ikinuwento ni Raymond Manalo sa kanyang sinumpaang salaysay. Siya ang isa sa magkapatid na Manalo na dinukot ng mga sundalo noong Pebrero 2006 at saka nakatakas noong Agosto 13, 2007.

Ito ang ikalawang sinumpaang salaysay ni Raymond. Ang una, pirmado at sinumite sa Korte Suprema para hilingin ang proteksiyon ng korte. Ang ikalawa, di pirmado, at naibigay kamakailan ni Raymond sa Karapatan, alyansang pangkarapatang pantao.

Sa huling pagdinig para sa hinihinging writ of amparo sa kasong Empeño-Cadapan, iniutos ng Court of Appeals na tumestigo si Raymond hinggil sa nalalaman niya sa kaso.

Dahil di pirmado, walang legal na halaga ang pangalawang salaysay. Pero para sa Karapatan, kinukumpirma nito ang mga impormasyong natatanggap mula sa iba’t ibang impormante: na buhay sina Karen at Sherlyn mahigit sampung buwan matapos dukutin ang dalawang estudyante noong Hunyo 26, 2006 sa Hagonoy, Bulacan.

Malalim ang naging pakikipag-usap ni Raymond kay Sherlyn. “Noong una ay hindi ko pa siya kilala, napagkamalan ko pa nga na baka isa sa mga kabit ng militar…[P]agkaraan ng dalawa o tatlong araw ay saka pa lamang kami nagkakuwentuhan,” ayon sa kanyang salaysay.

Noong una niyang nakita si Sherlyn, “payat na payat at lubog ang mata” nito. Nakatali ng kadena ang mga kamay at paa. Tahimik umano si Karen, pero makuwento si Sherlyn.
Sa ilang pagkakataon, “ginawang labandera at masahista ng mga militar” ang dalawang estudyante.

Pinahirapan

Galit na galit ang militar nang mabuking nito ang plano ni Sherlyn noong Abril 11. Ayon kay Raymond, muling tinortyur si Sherlyn pagbalik sa kampo. Pati si Karen ay isinama na. “Sinuntok nila ang buong katawan ni Sherlyn at Karen, dumugo ang nguso, ibinitin ang dalawa [nang] patiwarik na ang nakatali lamang ay isang paa habang sila ay hubo’t hubad…Pagkatapos ay binubuhusan sila ng tubig sa ilong.”

Si Reynaldo, kapatid ni Raymond, ginawang tagatapon umano ng ihi ng dalawa na “pulos dugo.” “Ako naman ang pinaglaba ng mga militar ng mga damit at underwear ng dalawa na puno rin ng mantsa ng dugo at putik,” sabi pa ni Raymond. Wala sa pangalawang sinumpaang salaysay, pero sinabi rin diumano ni Raymond sa Karapatan na ikinuwento sa kanya ni Sherlyn na ginahasa sila ng mga sundalo.

Matagal pang nagkasama ang magkapatid na Manalo at sina Karen, Sherlyn, at Manuel Merino. Mayo 2007, dinala sila sa isang safehouse sa Iba, Zambales. Alam ni Raymond na sa Iba sila dinala dahil nakita niya ang arko ng bayan. Unang linggo ng Hunyo, ibinalik ang lima sa kampo ng 24th Infantry Batallion sa Bataan. “Noong ika-8 at -9 ng Hunyo, dinala kaming tatlo (ako, si Reynaldo at Mang Manuel) sa gubat na nasa kabila lang ng kampo,” kuwento ni Raymond. Ito na umano ang huling pagkakataong nakita niya sina Karen at Sherlyn.

Writ of Amparo

Sa isinampang petisyon para writ of amparo, hiniling ng mga magulang nina Karen at Sherlyn na inspeksiyunin ang mga kampo at safehouse na nabanggit sa salaysay ni Raymond.

Mabigat kina Linda Cadapan, ina ni Sherlyn, at Connie Empeño, ina ni Karen, na tanggapin ang salaysay ni Raymond. Pero, anila, “inaasahan na namin iyon.” Hindi lubos-maisip ni Linda kung “anong pagkatao mayroon” ang mga sundalong nagpahirap – at maaaring nagpapahirap pa rin ngayon – kina Sherlyn at Karen.

Ayaw pang sagutin ng AFP (Armed Forces of the Philippines) ang mga pahayag ni Raymond. Pero sa sagot sa petisyon nina Connie at Linda, hindi umano ito papayag na siyasatin ang mga kampo at safehouse dahil “mapanganib.” Ayon kay Atty. Amparo Teng ng tanggapan ng Solicitor General na kumakatawan sa AFP sa korte, mistulang “fishing expedition” o pamiminguwit lamang ang gustong mangyari ng mga ina.

Pumayag ang korte na dinggin ang mga testigo ng Karapatan, kabilang si Raymond at ang magulang ng kasintahan ni Sherlyn na tumangging pangalanan sa midya.

Gusto lamang ni Connie makita ang anak, patay man o buhay. Para naman kay Linda, “Habang wala pa talagang patunay, hindi ko pa rin kinokonsidera na patay si Sherlyn.”

Sa ngayon, umaasa sila na makakatulong ang sistemang legal sa paghahanap. Pero anu’t anuman, lalong lumiliwanag sa isipan nila: sa isang banda, ang kawalanghiyaan ng gobyerno, at sa kabilang banda, ang kabayanihan at katapangan ng kanilang mga anak.

Walang araw na hindi niya naaalala ang anak, sabi ni Connie. Labis siyang humahanga sa mga pagtulong na ginawa nito sa mga magsasaka sa Bulacan. Naisip niya, “dakilang tao ang anak ko.”

“Bata pa, matapang na si Sherlyn. Mag-isa siyang lumalangoy,” gunita naman ni Linda. Nang naging varsity sa iba’t ibang isport, lalong nahasa umano ang pangahasan ni Sherlyn.

Ngayong nasa kamay ng militar, nakikipagtagisan pa rin siya, kasama ang kaibigang si Karen.

Posted by: kr.guda at 12:15 | link | comments (6)