start your own blog now!
 
Read other blogs...

"In the dark times, will there also be singing? Yes, there will be singing about the dark times." - Brecht

About me

Blogger:
Unbeknownst to strangers who heard him sing in videoke, Crooner KR Guda did not have formal training in music, apart from a brief stint as a bass voice singing "Times of Your Life" during high school. Nowadays, he busies himself writing about politics and culture and studying photojournalism. As a journalist covering human rights issues, he is what can aptly be described by that John Berger quote: "Truly we writers are the secretaries of death." (Thanks to newly-sanctioned poet Teo Marasigan for that one)

Contact me
My profile
Linkme
Subscribe to this blog

P E R Y O D I S M O

Reportage, etc.

Dark Room

i n s t i s

Aklat ng Bayan

Arkibong Bayan

Sinewaya

Pinoy Weekly

Counter

visited *loading* times

Wednesday, 25 January 2006
Pantasya at Pangingibang-Bansa sa Pelikula

Madalas nating marinig na bahagi na ito ng buhay-Pinoy. Ngunit mas gusto kong isiping higit pa sa pagiging bahagi ng buhay natin ang pelikula: sa pamamagitan ng mismong mga imaheng lumalabas sa puting tabing malalaman natin kung nasaan na tayo at saan tayo patungo bilang isang bansa.

Mahirap isipin, totoo, na sa pagmasid lamang sa mga imahe ng mga paborito nating artista mahihinuha na natin ang kasalukuyan at hinaharap ng bansa. Mahirap isiping sa pamamagitan lamang ng pagsubaybay sa kuwento ng pinakahuling kakornihang pakulo ni Vic Sotto o romansang palabas nina Juday at Piolo mababatid na natin ang sagot sa mga katanungang kung ilang dekada nang tinatanong ng mga dalubhasa’t pantas sa mga pamantasan.

Mahirap isiping may katotohanan at kabuluhan din palang nilalaman ang mga pantasyang tila dinesenyo para kalimutan natin ang katotohanan at kabuluhan.

Isang matandang hangal ang nagsabing hindi lamang hinuhugot mula sa kalangitan ang mga ideya hinggil sa mundo. Gayundin siguro sa pelikula: walang kuwento’t pakulong nabuo at nilikha mula sa kawalan. Gaano man sila kamalikhain, hindi diyos si Ricky Lee, o si Pete Lacaba, o sinumang sikat na manunulat ng iskrip ngayon. Tao lamang sila at nilalang ng lipunang huhubog at huhubog sa kanilang pananaw sa mundo at mga likha.

Gaano man kayaman ang pamilyang Lopez o si Mother Lily, hindi nila kakayaning lumikha ng alternatibong uniberso para sa pelikula lamang. Kahit si Peter Jackson ngang utak sa likod ng The Lord of the Rings ay hindi nakawala sa kasalukuyan (itinuturing ng ilan ang kanyang trilohiya bilang komento sa kasalukuyang giyera kontra terorismo ng US). O maging ang hari ng pantasyang pelikula na si Steven Spielberg sa kanyang likhang War of the Worlds, na nabahiran ng namamayaning pagkatakot o paranoia sa lipunang US ngayon matapos ang teroristang atake noong Setyembre 11, 2001.

Hindi maaring makawala ang mga pelikulang lumalabas ngayon, mula Dubai hanggang Enteng Kabisote hanggang I Will Always Love You.Lalong halata sa nauna at huling nabanggit na pelikula – mga pelikulang pinondohan ng dalawang magkaribal na istasyon ng telebisyon (ABS-CBN para sa Dubai at GMA para sa I Will Always Love You).

Sa pagprodyus sa mga ito ng dalawang gahiganteng network pantelebisyon, mababatid na natin kung sino sa pagitan ng pelikula at telebisyon ang mas impluwensiyal ngayon (dati pelikula, pero ngayon telebisyon). At kadikit ng impluwensiyang nakukuha ay ang kitang nakakamal. Kitang napapatotoo dahil sa matalas na pang-amoy ng mga ehekutibo sa mga network.

At ano ang naaamoy nila ngayon? Walang iba kundi ang masangsang na baho ng kahirapang palala nang palala sa bansa ngayon. Sangsang na naghihikayat sa milyun-milyon sa ating mga kababayan na maghanap ng ibang lugar na paghihingahan at pagtitirhan.

Wala na nga bang “romantikong” lugar sa Pilipinas na maari pang gawing tagpuan sa mga “romantikong” pelikula? Kailangan na ba talagang lumabas pa ng bansa para maikuwento ang mga romansa ng ating panahon? Kung sa bagay, sa pagtindi ng krisis ng bansa, lalong humihirap din isiping ang pag-uulayaw na naganap sa pagitan nina Aga, Claudine at John Lloyd ay magaganap sa Pilipinas. Kailangan ng isang ideal setting, isang tagpuang hindi na makukumplika pa ng mga panlipunang problema tulad ng polusyon, trapik, basura, iskuwater, kudeta, giyera.

Isipin, halimbawa, kung naganap ang kuwento ng Dubai hindi sa Dubai kundi sa…Cubao. Kargador si Aga ng mga gulay sa palengke ng Q-Mart, habang nagtatrabaho naman bilang saleslady ng SM si Claudine. Babaero si Aga. Kalandian niya ang mga babaing nagbebenta ng laman na tumatambay sa madilim na MMDA footbridge sa kanto ng EDSA at Aurora. Samantala, kontraktuwal na manggagawa sa paborito nating mall si Claudine, na minsang nakasabay ni Aga sa pagsakay sa bus sa EDSA isang maulan na madaling-araw at naka-one night stand niya. Darating mula sa probinsiya si John Lloyd, kapatid ni Aga na noong bata pa’y pinangakuan ni Aga na balang araw ay magtatrabaho sila sa…Makati.

Kasingganda ba ng Dubai ang Cubao? Kikiligin kaya tayo tuwing magtatagpo ang mga karakter nina Claudine at John Lloyd sa Nice o Sugo Motel? O kung magpapakita sa ating pelikula na namamasyal sila sa magagandang tanawin ng Cubao (Kung sa bagay, mayroon naman lamang New York, Seattle, at Washington ang Cubao, kahit sa pangalan ng kalye lamang)?

Malamang hindi. Malamang hindi rin tayo masyado kikiligin kung sa halip na San Francisco ang tagpuan nina Angel at Richard sa I Will Always Love You ay gawing Santa Elena, Bulacan o Santa Filomena o kung saan mang lokal na probinsiyang pinangalanan sa kung sinumang santo/a.

Sa hirap ng buhay kung bakit may pelikulang Dubai at I Will Always Love You. At inaasahan nating dadami pa ang mga pelikulang tulad nito, mga pelikulang gagawing tagpuan ay mga dayuhang bansa kung saan totoo namang marami talagang Pilipinong nagtatrabaho at nakikipagsapalaran. Ngunit mas malamang kaysa hindi, walang kinalaman ang mga pelikulang ito sa buhay ng mga OFW doon – mga pelikula itong dati na nating napapanood, nasusubaybayan at nahuhulaan ang katapusan.

(Ibahin ko lang nang kaunti ang pelikulang Milan, na siya namang nagpasimuno sa mga pelikulang ganito. Bagaman kuwentong pampalikig din, natatangi ang Milan sa hindi paglarawan sa tagpuan bilang ideyal na lugar. Ordinaryong TNT na OFW ang mga karakter. Dinanas nila ang kahirapang araw-araw naririnig natin sa mga kuwento-kuwento ng mga dating OFW.)

Bagaman palasak at di kapani-paniwala ang mga plot ng mga pelikulang tulad nito, masasabi pa ring may mga mensahe ito na makatotohanan. Sinasabi nitong pahirap na nang pahirap ang buhay, at wala pang natatanaw na kaalwan sa malapit na hinaharap. Sinasabi nitong huwag na tayong umasa sa gobyerno dahil wala naman itong layuning talagang pagandahin ang buhay natin, mas mabuti pang mangibang-bansa. Sinasabi nitong bulok na bulok na ang sarili nating lipunan at kailangan na tayong tumingin sa labas ng ating bakod para maghanap-hanap ng mga alternatibong paraan ng pamumuhay. Mas maganda ba kung tularan na lang natin ang kapitalismo ng United Arab Emirates o Estados Unidos? O mas gugustuhin ba nating mabuhay na lamang sa isang mundong katha ng malilikot na imahinasyon nina Vic Sotto at Michael V.?

Nasa atin, siyempre, ang desisyon. Maari ding lumabas tayo sa inihahaing mundo ng pelikula at lumikha ng sariling mundo batay sa imahinasyon, na siyang nakabatay naman sa limitasyon ng kasalukuyang lipunan. Mula sa abo ng nabubulok na lipunan malilikha ang bago, sabi nga ng isa pang matandang hangal. Anuman ang mangyari, tiyak na magpapatuloy ang paglikha ng pelikula. Tiyak ring magpapatuloy ang paglikha ng pelikulang hinuhubog at binabahiran ng reyalidad.

Pagkalipas ng daan-daang taon, artipakto na ang mga pelikula ngayon. Huhukayin mula sa mga nakabaong baul at pag-aaralan ng mga tao ng hinaharap. At mababatid nila ang ating mga barbarikong paraan. Maihahantad sa kanila ang mga sinauang lipunang napakaraming bilang ng tao’y lugmok sa sangsang ng karalitaan, napipilitang magpantasya, mangibang-bansa o masiraan ng bait.

Posted by: kr.guda at 23:57 | link | comments

Thursday, 12 January 2006
Finding Laszlo de Almasy in Hong Kong, Or: How I Learned to Stop Worrying and Love Globalization

One more thing about Hong Kong. Causeway Bay along Lockhart Road is a veritable minefield for film lovers. I discovered this little bit of info during the last few days I was there (and it's been a month since), and now I so regret not having been able to buy more videos (of course, I also had to forego more breakfasts, ouch).

As I was picking out vcds one night there, I began thinking about our very own film lovers' minefield in Quiapo, and how gradually art films (or simply, good films) are being eased out of Quiapo pirates' stores to make way for pirated copies of blockbuster Hollywood films. The film piracy industry, after all, is still governed by the laws of supply and demand (Erap was right in wanting it amended, hahaha), it will only be a matter of time before pirates realize art films don't sell shit among costumers.

As it is, copies of some films that before one can easily find in Quiapo are now nowhere to be found. (I reviewed previous blog entries and found one about having spotted a pirated copy of Francois Truffaut's seminal film The 400 Blows. About a month after writing that entry, I searched for it again in Arlegui and failed.) Jerry Bruckheimer and triple-x porn are gradually easing out Francois Ozon and Gaspar Noe from pirates' stands. Soon, the promise of a "cultural revolution" via video piracy will be betrayed by pirates' good'ole desire for heftier profits.

Which brings me back to HK and the massive anti-WTO protests held there. I was shopping for vcds in between covering the protests and did not feel an ounce of guilt that I was reaping the fruits of globalization (i.e. availability Western art films in a cosmopolitan city built on "free market" values) while covering and even praising the anti-globalization movement. After all, I said to myself, just because vcd copies of Truffaut's The 400 Blows and Jules and Jim, Kubrick's A Clockwork Orange and Dr. Strangelove and Minghella's The English Patient are available in HK does not mean that HK capitalists are more interested in broadening the Chinese masses' apprectiation for quality films.

In capitalism, profit is the bottomline. Everything else is just coincidence.

Posted by: kr.guda at 15:22 | link | comments (2)

Para sa Masa?

Rebyu ng Ultraelectromagneticjam
Iba’t ibang artista
Produksiyon ng Jam 88.3 at Sony BMG


WALA PANG namamatay na miyembro ang Eraserheads.

Dalawang taon pa lamang mula nang humiwalay si Ely Buendia kina Marcus Adoro, Raymund Marasigan at Buddy Zabala. Aktibo pa sa music scene ang lahat ng dating miyembro ng banda. At nabibili pa rin sa mga tindahan ng CD at tape ang kanilang mga dating album.

Ano, kung gayon, ang halaga ng Ultraelectromagneticjam, ang bagong labas na tribute album para sa ‘Heads?

Napapanahon ba?

Ipinrodyus ng istasyon sa radyo na Jam 88.3 at Sony BMG, ang Ultraelectromagneticjam ay koleksiyon ng 17 mga kanta ng ‘Heads na tinugtog ng karamiha’y mga nakababatang musikero at banda.

Ayon sa mga musikero at bandang ito, isa sa mga pangunahing impluwensiya nila ang ‘Heads. Para kay Eric Perpetua, associate program director ng Jam 88.3 at pasimuno ng proyekto, panahon na upang bigyang-pugay ang itinuturing niyang pinakamatagumpay at mahalagang banda sa kasaysayan ng musikang Pinoy.

Di maikakaila ang halaga ng ‘Heads sa musikang Pinoy. Ngunit, marami ang nagsasabing di pa ito napapanahon. Sinabi pa diumano ni Ely, na marahil ay di pa napapanahon ang isang tribute album dahil nananatili pa rin sa eksena ng musika ang mga dating kasapi ng grupo. Kumbaga, di pa tapos husgahan ng kasaysayan ang apat na musikerong tinaguriang “Fab Four” ng Pilipinas.

Ihambing ito sa mga inilabas na tribute album sa Kanluran, tulad ng sa Beatles, Carpenters, Queen, The Doors, The Police, Ramones at sina John Lennon at Bob Marley - karamihan sa kanila’y tapos na ang karera nang parangalan ng isang tribute album ng mga kapwa musikero.

Di maaalis sa isip ng mga nagmamasid sa eksena ng musika na magduda sa intensiyon ng mga prodyuser.

Bagong interpretasyon

Sa Ultraelectromagneticjam, may mga awiting masasabing nagpapakita ng seryosong pagrespeto sa musika ng ‘Heads.

Pangunahin dito ang “reinterpretasyong” ginawa ng rapper na si FrancisM at amg Hardware Syndrome sa “Superproxy,” ang panimulang awit ng ‘Heads sa pangatlong album nito na Cutterpillow. (Naging bahagi din si FrancisM sa rap na bahagi ng orihinal na bersiyon.)

Sa bagong bersiyon na pinamagatang “Superproxy 2K6”, mas maingay ang gitara at drums at pinahaba ang bahagi ng rap. Bahagi marahil ng pag-angkop sa kasalukuyan - 2K6 na nga naman - ang pagpalit ni FrancisM ng mga salitang “i-dial lang ang telepono” ng “isaksak lang ang modem n’yo” sa lyrics.

Ngunit sa kabila ng mga pagbabagong ito, nanatili ang sarkastikong mensahe at pagpuna sa lipunang nabibili ang lahat ng bagay pati kaligayahan. Sa puntong ito, masasabing tunay na tribute ang interpretasyon ni FrancisM sa uri ng humor ng ‘Heads. Ito marahil ang dahilan kung bakit, sa lahat ng mga kanta sa Ultraelectromagneticjam, ito lamang ang kantang tila “binasbasan” ni Ely: tumulong diumano siya sa backup vocals ng kanta.

Humor pa rin ng ‘Heads ang lumulutang sa “Alkohol” ng Radioactive Sago Project at “Maling Akala” ng Brownman Revival. Gamit ang sariling estilo - “spoken word” sa Radioactive Sago Project at reggae sa Brownman Revival - binigyan ng dalawang banda ng sariwang tunog ang mga lumang kanta ng ‘Heads na ni hindi sumikat o naging hit.

Kung parang lasing na kumakanta ang ‘Heads, laluna si Raymund, sa orihinal ng “Alkohol”, lalong parang lasing na binigkas ni Lourd de Veyra ang bagong bersiyon. Angkop na angkop ang pagkakaroon ng horns section ng Radioactive Sago Project sa halip na simpleng gitara at baho ng ‘Heads para iparamdam ang sensasyon ng pagiging lango sa alak.

Angkop naman ang bersiyong reggae ng Brownman Revival sa “Maling Akala” dahil sa tonong magaan at madaling masakyan at masabayan ng sayaw, sa kabila ng nakapailalim na mabigat na mensahe: “Bago maniwala, mag-isip-isip ka muna / marami ang namamatay sa maling akala.” Di kataka-takang unang sinulat diumano ni Ely ang kanta bilang reggae.

Samantala, iba naman ang lapit ng Imago sa kantang “Spoliarium”, na unang lumabas sa Natin99 na album ng ‘Heads. Mas madilim at mabigat sa pandinig ang orihinal na bersiyon, ngunit lungkot at kawalan ng katiyakan ang mararamdaman sa boses ng babaing bokalista ng Imago. Ito marahil ang mas angkop na interpretasyon sa awiting mahirap matanto ang kahulugan ng lyrics: “Madilim ang paligid / May tumawag sa pangalan ko / Labing-isang palapag / Tinanong kung okey lang / ako sabay abot ng baso…”

Di bagay

Iba rin ang lapit ni Isha sa kantang “Torpedo” na mula sa Cutterpillow. Ngunit tila di masyado nagtagumpay si Isha na iparating ang mensahe ng pagiging torpe. Mas kapani-paniwalang di marunong dumiskarte sa pag-ibig ang persona ng orihinal dahil marahil sa manipis at mahinang boses ni Ely, kumpara sa buo at siguradong boses ng jazz singer na si Isha.

Lalo namang hindi bumagay sa mga mang-aawit ang mga napiling kanta nina Kitchie Nadal (“Ligaya”), Paolo Santos (“Magasin”), at Cueshe (“Hard to Believe”).

Walang dating ang pag-awit sa kantang “Magasin” ni Paolo Santos, na tila napilitan lang kumanta sa koleksiyon. Di rin umangkop ang tila walang emosyong pagkakanta ng Cueshe sa awit na puno ng optimismo sa kabila ng masasamang nagaganap sa mundo. Di rin kapani-paniwalang lesbiyana ang persona ni Kitchie Nadal na nanliligaw sa isang babaing nagngangalang “Ligaya.”

Inaasahan namang magiging malapit sa orihinal - at walang masyadong inobasyon - ang ambag ng 6CycleMind (“Alapaap”), Sugarfree (“Tikman”), Spongcola (“Pare Ko”), Barbie Almalbis (“Overdrive”) at Orange and Lemons (“Huwag Kang Matakot”).

Samantala, katangi-tangi ang pagpasok sa koleksiyon ng South Border (“With A Smile”), MYMP (“Huwag Mo Nang Itanong”) at si Rico J. Puno (“Ang Huling El Bimbo”). Dahil kilalang pop at di rock ang mga musikerong nabanggit, sariwa sa pandinig ang kanilang mga bersiyon. Sa kabilang banda, tunog ordinaryong pop song na lamang na maririnig sa radyo ang kanilang bersiyon.

‘Pag-ahon’ sa masa

Isang malaking trahedya naman ang pag-awit ng “Para Sa Masa” ng mga musikerong kalahok sa Ultraelectromagneticjam. Tila di naintindihan ng mga prodyuser ang mensahe ng kanta: “Pinilit kong iahon ka / Ngunit ayaw mo namang sumama.”

Sa awit na ito mahihinuha ang pilosopiya ng ‘Heads kaugnay ng “masang” tagapakinig nila: naniwala silang “maiaahon” nila ang masa mula sa pagtangkilik ng “mabababang klase ng awitin.” Pilosopiyang kung tutuusin ay elitista, pagkat walang ibang makaaangat sa kalagayan at panlasa ng masa kundi ang sarili niya.

Sa pagpili ng mga prodyuser sa “Para Sa Masa” bilang huling awitin, mababatid ang intensiyon nilang pagkakitaan lamang ang pagiging popular sa masa ng musika ng ‘Heads. Pinapalabas nilang para sa masang tumatangkilik sa ‘Heads ang Ultraelectromagneticjam - tulad ng karaniwang kapitalistang sa harap ng masa’y bukambibig ang linyang “para sa inyo ang lahat ng ito”, ngunit sa huli’y siya at siya lamang ang nakikinabang.

Unang inilathala sa Pinoy Weekly (11-17 Enero 2006)

Posted by: kr.guda at 14:14 | link | comments